Connect with us

Inspiring

Silipin ang Detachable Container House na Ito na May Napakagandang View ng Sierra Madre at Laguna Lake

Ang lokasyon ng isang property ang isa sa mga mahahalagang konsiderasyon ngayon sa pagpapatayo ng bahay. Bukod sa pagiging komportable ng mga taong maninirahan dito, importante rin na kaaya-aya ang tanawin na makikita ng mga ito araw-araw.
Unang nadiskubre ni Alden Torres ang property na ito sa Binangonan, Rizal. Dahil sa napakagandang view na matatanaw mula rito, nagdesisyon silang magtayo ng isang container house dito.

Photo credits: OG| YT

May kabuuang sukat na 60 sqm. ang detachable container house na kanilang itinayo. Makikita sa main container house ang isang living area, bedroom, kusina, at comfort room. Bagamat napalilibutan ng glass windows ang ilang silid ng bahay, naglagay rin sila ng isang balcony upang matanaw nila ang kagandahan ng Laguna Lake.

Photo credits: OG| YT

Dagdag pa rito, naglaan din sila ng espasyo sa itaas na bahagi ng container house para sa roof deck. Mula rito, talagang makikita ang kagandahan ng Laguna Lake at ng kabundukan ng Sierra Madre. Dahil nga sa tanawin na makikita mula rito, walang dudang ito ang naging paboritong parte ng bahay ni Alden. Ayon sa kaniya, dito siya madalas na nagpapahinga at nagbabasa ng mga libro at bibliya.

Photo credits: OG| YT

Mula naman sa roof deck, maaari ding magamit ng pamilya o ng mga bisita ang kanilang swimming pool. Kwento nina Alden, huli na nilang napagplanuhan ang pagpapagawa ng swimming pool na ito dahil sa kanilang limitadong budget ngunit noong huli ay pinili rin nilang magdagdag ng pool. Bukod dito, nahirapan din umano sina Alden sa pagpapagawa ng septic tank para sa bahay. Sa kabila nito, maituturing pa rin na isang magandang investment ang bahay na ito.

Photo credits: OG| YT

Dahil nga isa itong detachable house, maaari nila itong mailipat saan man nila gustuhin. Sa ngayon naman, pinagkakakitaan na rin nila ang property na ito. Noong una ay napakaraming tao ang nais na bumisita rito dahil sa komportableng bahay at magandang view. Dahil dito, nagdesisyon silang buksan ito sa publiko. Maaaring maranasan ng kanilang mga guests na manirahan sa detachable container house sa halagang PhP7,000. Maaari din nilang rentahan ang camper van na makikita sa property sa halagang PhP4,500.

Photo credits: OG| YT

Ayon kay Alden, dahil sa simpleng negosyong ito, unti-unti nilang nababawi ang PhP1.5 million na kanilang nagastos sa pagpapatayo ng detachable container house. Mayroon na rin silang oportunidad ngayon na pumasok muli sa isa pang proyekto.

Advertisement
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.

© Copyright tambaykamuna.com 2020 | All rights reserved