Connect with us

Inspiring

Isang Single Dad, Nagsuot ng Damit Pambabae Para Makadalo sa Mother’s Day Celebration sa Iskwelahan ang Kaniyang mga Anak

Totoong kahit sinong magulang ay kayang gawin ang lahat para lamang mapalaki nang maayos ang kanilang mga anak. Ang iba sa kanila ay doble ang pagsisikap sa trabaho habang patuloy na ginagampanan ang pagiging isang magulang sa loob ng tahanan.

Kung minsan, mayroon ding mga bagay na kung iisipin ay imposibleng gawin ng isang tao ngunit para sa kanilang mga anak, walang bagay na hindi kayang gawin ng mga magulang. Ito mismo ang ginawa ng isang single father mula sa Thailand. Umani ng paghanga at papuri mula sa mga netizens sa iba’t ibang panig ng mundo ang single father na ito na kinilalang si Chatchai Parn-uthai.

Sa bansang ito, ang araw ng mga nanay ay ginugunita sa buwan ng Agosto. Isa sa mga tradisyon dito lalong-lalo na sa mga eskwelahan ay ang pagbibigay-galang at pasasalamat sa harap ng mga nanay. Sa kasamaang palad, matagal nang hiwalay sa kaniyang asawa si Chatchai kaya naman mag-isa na lamang niyang binubuhay at pinapalaki ang kaniyang dalawang anak.

Dahil nag-iisa na lamang siya, mayroon siyang kinakaharap na mga pagsubok at isa na nga rito ay ang selebrasyon ng Mother’s Day taon-taon.

Dahil nga sa kawalan ng nanay sa buhay ng kaniyang mga anak, hindi ito nakakapagdiwang ng Mother’s Day sa eskwelahan gaya ng kanilang ibang kamag-aral. Dito na nga naisip ni Chatchai na magdamit pambabae upang tumayo bilang nanay sa selebrasyong ito. Kung ang iba ay maaaring magdalawang-isip na gawin ito, hindi naman ikinahiya ni Chatchai na magdamit pambabae para sa kasiyahan ng kaniyang mga anak.

Makikita sa isang larawan na nakasuot si Chatchai ng kulay rosas na bestida. Upang makumpleto ang kaniyang kasuotan bilang nanay, nagsuot din siya ng isang hairpin. Kasama niya sa litratong ito ang ilan pang mga nanay na tulad niya ay binibigyan ng bulaklak at liham ng kani-kanilang mga anak. Kitang-kita naman ang kasiyahan ng dalawang anak ni Chatchai sa kanilang partisipasyon sa okasyong ito.

Talagang kakaiba ngunit walang duda na kahanga-hanga ang ginawang ito ni Chatchai. Ayon sa kaniyang social media post, handa siyang gawin ang kahit ano para sa kaniyang mga anak. Dahil dito, talagang nararapat lamang na parangalan si Chatchai bilang isang magulang na tumatayo bilang isang nanay at tatay sa kaniyang mga anak. Napakaraming netizens din ang nagbigay ng positibong reaksyon dito.

Advertisement
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.

© Copyright tambaykamuna.com 2020 | All rights reserved