Connect with us

Inspiring

Isang Retiradong Guro sa Pisay, Matiyaga Paring Nagtuturo sa mga Kabataan sa Lansangan

Hindi matatawaran ang dedikasyon na ipinapakita ng mga guro sa kanilang trabaho. Kung minsan, matapos ang mahabang panahon ng pagtuturo sa loob ng eskwelahan ay ipinagpapatuloy pa ng mga magigiting nating guro ang kanilang pagtuturo. Isa na nga rito si Lolo Delfin Angeles.

Noong 1984 o 37 na taon na ang nakararaan nang magsimulang magturo ng Integrated Science at Physics si Lolo Delfin sa Philippine Science High School o mas kilala bilang “Pisay” ngunit bago pa man siya pumasok rito ay nakapagturo pa siya sa Laguna noong 1975. Dahil dito, masasabing higit sa 40 na taon ang ginugol ni Lolo Delfin sa pagtuturo.

Sa haba ng panahon ng pagseserbisyo ni Lolo Delfin sa kaniyang napiling propesyon, nagdesisyon siyang magretiro noong nakaraang taon. Ngunit tila para kay Lolo Delfin talaga ang pagtuturo dahil nitong mga nakaraang buwan lamang ay nagkaroon na naman siya ng pagkakataon na makapagturo. Bagamat hindi siya nagtuturo sa mga komportableng silid na kaniyang kinagisnan, mas marami naman siyang mga kabataan na natuturuan sa lansangan.

Photo credits: Delfin Angeles | Facebook

Isinalaysay naman ni Lolo Delfin kung paano siya bumalik sa pagtuturo. Ayon sa kaniyang Facebook post, nagdidilig lamang siya ng kaniyang mga halaman nang lumapit ang ilang mga kabataan na nais magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga halaman na ito.

Photo credits: Delfin Angeles | Facebook

Mula noon, unti-unti na niyang nakilala ang mga batang ito hanggang sa sinimulan na rin niyang subukin ang kaalaman ng mga bata sa matematika. Hindi naman inakala ni Lolo Delfin nang isang araw ay humiling ang mga bata na turuan sila nito. Hindi rin niya nagawang tumanggi pa sa mga batang ito na nais matuto kaya naman Marso ng kasalukuyang taon ay nagsimula na siyang magturo sa kanila at hindi nagtagal ay binuksan na ni Lolo Delfin ang Eskwelahang Munti kung saan nagtuturo siya ng matematika, siyensya, at ingles.

Photo credits: Delfin Angeles | Facebook

Upang matustusan naman ang pangangailangan ng Eskwelahang Munti, humingi si Lolo Delfin ng donasyon mula sa kaniyang mga kaibigan gaya ng lumang lapis, ballpen, krayola, at cardboard boxes. Dahil dito, tinatawag na rin siyang “teacher” ng mga batang kaniyang tinuturuan. Umani rin ng papuri at paghanga si Teacher Delfin hindi lamang mula sa iba’t ibang netizens ngunit pati na rin sa kaniyang mga kapwa guro at dating mga estudyante.

Advertisement
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.

© Copyright tambaykamuna.com 2020 | All rights reserved