Connect with us

Inspiring

Alamin: Paano Nga Ba Naitayo ng Mag-Asawang Ito ang Kanilang Loft Bed sa Halagang PhP120,000?

Prayoridad ang pagiging komportable sa isang tahanan. Hangga’t maaari, kinakailangan ang pagiging organisado ng mga kagamitan gayundin ang sariling pribadong espasyo ng bawat miyembro ng isang pamilya. Ngunit kung minsan, mayroong mga pagkakataon kung saan kinakailangang gamitin lamang natin kung ano ang mayroon tayo sa kasalukuyan at pairalin ang ating pagiging malikhain at masinop.

Photo credits: Rachel Angela Galsim Paronable

Kwento ni Rachel Angela Galsim-Paronable, kasalukuyan silang naninirahan ng kaniyang asawa at tatlong anak sa bahay ng kanilang mga magulang dahil hindi umano kaya ng kanilang mga magulang na malayo sa kanilang mga apo.

Bagamat ito ang kahilingan ng kanilang magulang, mayroon pa rin silang plano at pangarap na magkaroon ng sariling tahanan ngunit habang sila ay nasa tahanan ng kanilang mga magulang, kailangan muna nilang maging malikhain upang maging maayos pa rin ang kanilang kasalukuyang tirahan.

Photo credits: Rachel Angela Galsim Paronable

Dahil dito, nagdesisyon silang magpagawa ng loft bed. Upang sila ay makatipid sa gastusin, humingi sila ng tulong sa ilang kamag-anak upang maisakatuparan ito.

Ang ilan nga sa nagtrabaho para dito gayundin ang pinagmulan ng ilang materyales ay ang kanilang mga kamag-anak. Bagamat malaki ang naitulong nito, umabot pa rin sa PhP120,000 ang nailabas na pera dahil siniguro ng mag-asawa na maganda ang kalidad ng mga materyales.

Photo credits: Rachel Angela Galsim Paronable

Matapos nga ang 14 na araw ay natapos na rin ang konstruksiyon nito at nagkaroon na rin sila ng loft bed. Ayon kay Rachel, sa itaas na bahagi natutulog ang kaniyang 6 at 3 taong gulang na anak samantalang sa ibaba naman ang espasyo nilang mag-asawa kasama ang kanilang 1 taong gulang na anak.

Photo credits: Rachel Angela Galsim Paronable

Talaga nga namang isang napakagandang desisyon ang pagpapagawa nila ng loft bed. Bukod sa nabibigyan sila ng pribadong espasyo, naging mas organisado rin ang kanilang mga kagamitan.

Photo credits: Rachel Angela Galsim Paronable

Para naman sa mga nais magpagawa ng parehong loft bed, nagbigay si Rachel ng ilang payo. Ayon sa kaniya, mahalagang pag-aralan muna ang isang proyekto upang masiguro hindi lamang ang kagandahan ng magiging resulta kundi pati na rin ang kaligtasan ng mga gagamit nito.

Higit sa lahat, mahalaga rin ang maiging pagpaplano ng ating budget para sa kahit anong proyekto dahil maaaring mayroong mga hindi inaasahang pangyayari o dagdag na gastusin.

Advertisement
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.

© Copyright tambaykamuna.com 2020 | All rights reserved