Connect with us

Inspiring

Miniature Barung-Barong na Gawa ng Isang Lokal na Artist, Kinagigiliwan Ngayon

Hindi maipagkakaila ang husay at talento ng mga Pilipino. Maging sa kahit anong uri ng sining ay talagang kinikilala ang galing ng ating mga kababayan. Bukod sa isa itong magandang paraan upang maipakita ang kanilang kakayahan, isa rin ito sa pinagkukunan nila ng kita at higit sa lahat ay isang paraan upang ipakita ang kasalukuyang kalagayan at kaganapan sa bansa.

Photo credits to the owner

Ang artist na si Jayson Muñoz o mas kilala sa pangalang Nhoda ay isang kilalang tattoo artist mula sa Mabalacat, Pampanga. Nong Disyembre 2020 lamang ay nagsimula na rin si Nhoda na gumawa ng miniature art. Ayon sa kaniya, likas na sa kaniya ang pagiging malikhain ngunit isang hamon sa paggawa ng miniature art ay ang paghahanap ng mga materyales,

“Maraming oras din ang nagagamit ko sa paghahanap ng recycled materials para sa bubuuing piyesa.” Dagdag pa rito, isang hamon rin na gawing makatotohanan ang miniature art ngunit dahil sa kaniyang imahinasyon at pagkamalikain, nagkakaroon din siya ng iba’t ibang paraan upang magawa ang kaniyang mga proyekto, “Kung paano ko makukuhang realistic gaya halimbawa ng mga yero. Pero nakakaisip naman ako ng sariling paraan para gawin ito.”

Photo credits to the owner

Sulit na sulit naman ang oras at talentong inilalaan ni Nhoda sa kaniyang mga likha sapagkat napakaraming tao ang nais na bumili ng mga ito. Ngunit kahit na regular ang kita na kaniyang natatanggap mula sa paggawa ng miniature art, gumagawa pa rin siya ng paraan upang malaman ng mas maraming tao ang kaniyang mga obra.

Photo credits to the owner

Kwento niya, sumasali siya sa iba’t ibang grupo. Mayroon din siyang YouTube channel at Facebook page kung saan tampok ang kaniyang mga proyekto. Dagdag pa rito, nais rin ni Nhoda na sumali sa iba’t ibang patimpalak at art exhibits.

Photo credits to the owner

Masasabi rin na bukod sa pinagmumulan ng kita ni Nhoda ang paggawa ng miniature barung-barong, para sa kaniya ay mayroon pa itong mas malalim na kahulugan,

“Gusto ko lang namang isigaw gamit ang mga artwork ko na Pinoy ako, na ako po ito. Kapag successful na ang ating bansa, magsisilbing replicas na lang ng Philippine urban diorama ang mga creation ko. Wala na ang mga barung-barong, malalakas at malulusog ang mga Pinoy, at hindi ikakahiya ang kulay ng ating balat. Tiwala lang sa Panginoon, balang araw mangyayari yun.”

Advertisement
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.

© Copyright tambaykamuna.com 2020 | All rights reserved